Dagupan City – Inilathala na ng Tourism Office sa bayan ng Manaoag sa pangunguna ni Brendon Natividad, ang resulta ng isinagawang Tourist Attraction Visitor Survey para sa unang kwarter ng 2025.

Layunin nito na mapabuti pa ang karanasan ng mga turista sa bayan ng Manaoag.

Ang survey ay isinagawa sa mga pangunahing atraksyon tulad ng Minor Basilica of the Our Lady of Manaoag, at sa iba’t ibang establisimyento gaya ng mga hotel, inn, at restaurant.

--Ads--

Nilalayon nitong matukoy ang antas ng kasiyahan ng mga bisita, ang kanilang mga pangangailangan, at ang mga posibleng pagpapabuti sa mga pasilidad at serbisyong pangturismo.

Bukod sa mga turista, nakipagpulong din ang Tourism Office sa iba’t ibang stakeholders upang makuha ang kanilang pananaw.

Kabilang dito ang mga may-ari ng hotel at restaurant, parking attendants, mga kinatawan ng Manaoag PNP at Traffic Operations, candle boys, at iba pa.

Ang mga nakalap na datos ay magiging mahalagang gabay sa pagpaplano ng mga hakbang na magpapalakas at magpapaunlad sa industriya ng turismo sa bayan.

Patuloy ang pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na gawing mas kaaya-aya at makabuluhan ang pagbisita ng mga turista sa bayan ng Manaoag.