DAGUPAN CITY– Lalabas na sa araw ng Sabado ang resulta ng isinagawang iksaminasyon ng Department of Agriculture o DA kung maari nang ideklarang African Swine Fever o ASF Free ang lalawigan ng Pangasinan matapos na maipuslit dito ang mga baboy mula sa Bulacan na apektado ng virus.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay 4th District Board Member Ajerico “Ming” Rosario, sa araw ng Sabado ay ang ika 19 na araw kung kailan nakapasok ang ASF virus sa lalawigan at dito ay maari nang ilabas ng DA ang resulta ng kanilang iksaminasyon.

Kapag nagnegatibo aniya sa ASF virus ang samples ng mga baboy na mula sa 1-7-10 radius mula sa Ground Zero partikular sa Brgy Baloling Mapandan ay maari nang ideklara ng naturang tanggapan ang pagiging ASF Free ng probinsiya.

--Ads--

Matatandaan na 15 sa 60 mga baboy na ipinuslit mula sa Bulacan ay nagpositibo sa ASF partikular na sa Brgy Baloling Mapandan.

Dahil dito naapektuhan ang operasyon ng mga hog raisers sa lalawigan partikular na ang mga sakop ng 1-7-10 radius kung saan daang mga baboy na rin ang isinailalim sa culling.