DAGUPAN CITY- Nagdulot ng malaking ginhawa sa mga residente ng Barangay Poblacion Norte, bayan ng Sta. Barabara ang pagkakagawa ng slope protection, tulay, at flood control project sa kanilang lugar.
Ayon kay Barangay Kagawad Teodorico De Guzman, malaking tulong ang nasabing proyekto lalo na sa panahon ng malalakas na pag-ulan.
Aniya na bago ito naipatayo, palaging binabaha ang kanilang barangay at nangangamba ang mga residente sa tuwing dumarating ang tubig.
Kadalasan umanong agad naghahanda ang mga opisyal ng sandbags at iba pang paraan upang mapanatiling ligtas ang komunidad.
Ngayon, mas kampante na ang mga mamamayan dahil hindi na nila nararanasan ang malalang pagbaha
Dagdag pa ni De Guzman na hindi na rin nila kinatatakutan ang posibleng pagguho ng earth dike, dahil sa maayos na flood control system.
Lubos ang pasasalamat ng barangay na sila ay napabilang sa mga nabigyan ng ganitong proyekto.
Gayunpaman, may ilang bahagi pa ng kanilang lugar na hindi pa nalalagyan ng flood control.
Nagpahayag sila ng pag-aalala dahil earth dike pa lamang ang nagsisilbing proteksyon, at may mga tagas na rin umano.
Nakapagpasa na ng resolusyon ang barangay upang humiling ng karagdagang proyekto para sa mga natitirang lugar.
Umaasa ang pamunuan na ito ay maaaprubahan upang masigurong ligtas ang buong komunidad sa banta ng pagbaha.