BOMBO DAGUPAN – Naghain ng resolusyon ang iba pang senador para kilalanin at parangalan ang tinaguriang “ Golden Boy” na si Carlos Yulo matapos makasungkit ng dalawang gintong medalya sa Paris Olympics.

Ang Senate Resolution 1103 ay inihain ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada, Senate Resolutions No. 1104 at 1105 ni Senator Joel Villanueva at Senate Resolution 1108 ni Senator Juan Miguel Zubiri.

Laman ng mga resolusyon ang pagbati at paggawad ng Medal of Excellence ng Senado kay Yulo matapos nitong gumawa ng isang malaking kasaysayan sa pagkamit ng dalawang gintong medalya sa pinakamalaking sporting event sa buong mundo.

--Ads--

Naksaad din sa resolusyon na nagbigay ng karangalan, kasiyahan at inspirasyon sa mga Pilipino ang natatanging performance ni Yulo sa Paris Olympics kaya naman nararapat lamang na ibigay Olympic athlete ng bansa ang pinakamataas na papuri at pagkilala ng mataas na kapulungan.

Ang Pinoy gymnast na si Yulo ang kauna-unahang Pilipinong atleta at artistic gymnast na dalawang beses na nagwagi ng gintong medalya sa iisang event na Summer Olympics sa Paris kung saan nanguna ito sa floor exercise at vault events laban sa ibang mga bansang kalahok sa sporting event.