Dagupan City – Nanawagan ang mga residente ng PNR Site sa Barangay Mayombo na mapabilis ang konstruksyon ng proyekto para sa kalsada sa kanilang lugar.

Ayon kay Camilo Ofena, isa sa mga residente, matagal na nilang nararanasan ang paghina ng pag-usad ng pagsasaayos ng kalsada, lalo na’t maraming nagmomotor ang nadudulas tuwing dumadaan sa mga batuhang bahagi ng daan.

Aniya, nakatiwangwang ang proyekto at umaasa na sana’y matapos na ito hanggang Disyembre, pero sa nakikita nila aniya, mukhang matagal pa ang aabutin nito.

--Ads--

Dagdag pa ni Ofena, halos lahat ng bahay sa kanilang lugar ay naapektuhan ng pagbaha tuwing umuulan.

Wala rin aniya siyang nakikitang city engineering team na nagsusupervise sa konstruksyon, kaya naman lumalala ang sitwasyon.

Samantala, ayon kay Nita Galapia, isa pang residente, maganda naman ang proyekto ngunit nahihirapan sila bilang mga nakatira sa lugar.

Aniya, kawawa na sila dahil sila pa ang lumulubog. Paliwanag ni Galapia, tuwing tag-ulan, umaabot sa hanggang tuhod ang lebel ng tubig sa kanilang mga bahay.

Dahil dito, napilitan na niyang isara ang munting tindahan dahil ito ay nalubog sa tubig at mas mataas ang kalsada kaysa sa kanilang tahanan.