DAGUPAN CITY- Naging matagumpay ang isinagawang rescue operation ng mga awtoridad upang mabawi ang bagong silang na sanggol na kamakailan napaulat na kinuha ng nagpanggap na nurse sa loob ng isang ospital sa bayan ng Lingayen.

Ayon kay Edmar Carpio, kaanak ng pamilya ng sanggol, personal siyang nakatanggap ng mensahe mula sa suspek na nagsabing ibabalik na ang bata.

Agad naman lumapit sa kapulisan si Carpio na siyang aktibong nakipagtulungan sa kanila.

--Ads--

Nang makumpirma sa pamamagitan ng mga palitan ng mensahe na nasa suspek nga ang sanggol, agad na ikinasa ang rescue operation upang mailigtas ang bata.

Batay sa imbestigasyon, binigyan umano ng limang libong piso ang suspek kapalit ng pagkuha ng sanggol.

Dahil dito, inihahanda na ng Lingayen PNP ang kaukulang kaso laban sa suspek.

Ayon kay PLTCol. Junmar Costales, acting chief of police ng Lingayen PNP, tinitingnan ngayon ng mga awtoridad ang lahat ng posibleng anggulo ng insidente.

Inihayag pa ng suspek na kaanak umano ng pamilya ang nag-utos ng pagkuha ng bata, ngunit mariing itinatanggi ito ng pamilya Carpio.

Anila, hindi nila maaring gawin iyon sa isa’t isa sapagkat nagkakaisa sila at nagtutulungan.

Samantala, sinamahan ng mga operatiba si Carpio sa Barangay Sta. Rosa kung saan nakuha ang sanggol.

Maayos na ang kalagayan ng bata matapos ang insidente at kasalukuyan nang nasa poder ng pamilya.

Tiniyak naman ni PLTCol. Costales na patuloy nilang isasagawa ang masusing imbestigasyon at sisiguruhing mananagot ang sinumang responsable sa krimen.