DAGUPAN CITY – Isinasagawa na ang rescue operation sa halos 1,000 katao sa mga campsite na stranded dahil sa snowstorm sa liblib na bahagi ng Mount Everest.

Daan-daang lokal na residente at mga rescue team ang ipinadala upang magtanggal ng mga bara sa daan dulot ng makapal na niyebe sa lugar na nasa higit 4,900 metro (16,000 talampakan) ang taas.

Ayon sa state media, nasa 350 katao na ang nailigtas at naihatid sa ligtas na lugar sa maliit na bayan ng Qudang.

--Ads--

Nagsimula ang malakas na pag-ulan ng niyebe noong Biyernes ng gabi at lalong lumakas sa silangang bahagi ng Mount Everest sa Tibet, isang lugar na popular sa mga climbers at hikers.

Kasalukuyang nakararanas ng matinding lagay ng panahon ang rehiyon, habang ang kalapit na Nepal ay binayo ng malalakas na ulan na nagdulot ng landslide at flash flood na nagwasak ng mga tulay at kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 47 katao sa nakalipas na dalawang araw.

Sa China naman, tumama ang Typhoon Matmo at nagdulot ng paglikas ng humigit-kumulang 150,000 katao mula sa kanilang mga tahanan.

Ang Mount Everest ay ang pinakamataas na bundok sa buong mundo na may taas na higit 8,849 metro.

Bagamat maraming tao ang sumusubok na akyatin ito bawat taon, isa ito sa mga itinuturing na pinaka-mapanganib na pag-akyat.