DAGUPAN CITY—Nananatiling prayoridad ang repatriation ng mga Pilipino sa Israel sakaling lumala ang sitwasyon. Ayon kay Marvin Cuellar, Bombo International News Correspondent sa Israel, sa kanyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, mas malapit na sa normal ang kalagayan kumpara sa mga unang araw ng pag-atake.

Batay sa mga ulat, nabawasan na ng halos tatlong-kapat ang mga launcher ng Iran. Sa nakalipas na dalawang araw, bumaba ang mga pag-atakeng nakatutok sa Jerusalem. Kung ihahambing umano sa unang dalawang araw na kada 15 minuto ang pag-alingawngaw ng sirena, mas kaunti na ang missile attacks matapos ma-intercept ang mga launcher sa ikatlong araw.

Ayon pa kay Cuellar, karamihan sa mga OFW ay nasa kanilang mga tahanan nang magsimula ang pag-atake. Noong nakaraang Huwebes, nagsagawa naman umano ang Embahada ng Pilipinas ng virtual briefing hinggil sa crisis management, survival measures, at mga itinalagang pick-up points sakaling sumiklab ang digmaan.

--Ads--

Dagdag ni Marvin na patuloy ang komunikasyon ng mga Filipino communities doon at wala namang naitalang nasawi. Ayon kay Cuellar, ang Jerusalem ang pinakaligtas na lugar sa Israel sa kasalukuyan.

Kaugnay naman sa usapan ng repatriation, nagkaroon ng virtual meeting kasama si Secretary Hans Leo Cacdac at iba pang kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). May nakahanda nang mga protocol at plano ang pamahalaan.

Gayunman, inaayos pa kung paano ito maisasagawa nang ligtas—kung tatawid ba sa Egypt mula Tel Aviv o may iba pang mas ligtas na ruta. Isinasaalang-alang dito ang haba ng biyahe at ang hindi tiyak na banta ng air attacks mula sa Iran, Hezbollah, at Yemen.

Aminado si Cuellar na bagama’t may nakalatag nang plano, ang tunay na hamon ay ang mismong implementasyon nito.

Sa huli, nanawagan si Cuellar sa mga Pilipino sa Israel na huwag mag-post o magpadala ng mga larawan sa media at social media, alinsunod sa kautusan ng IDF Homefront Command noong Oktubre 7, upang hindi magamit ng kalaban sa pag-aayos ng kanilang mga target.