DAGUPAN CITY- Palipat-lipat na lamang ng lugar ang kapatid ni Marlon Gregorio Ganan kasamang ang amo sa Lebanon upang makaiwas sa kaguluhan.

Sa kaniyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, wala naman aniya silang magawa dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa naaaprubahan ang kanilang kahilingang repatriation.

Aniya, kinakailangang pumunta ng kaniyang kapatid sa opisina ng Department of Migrant Workers sa Lebanon subalit hindi nito magawa. Maliban sa hindi nito alam ang pasikot-sikot sa lugar ay hindi rin nito hawak ang kaniyang mga dokumento kundi ang amo niya.

--Ads--

Kinakailangan din mabayaran ng kaniyang kapatid ang $700 ng amo nito dahil sa ipinangbayad sa agency.

Ikinakatuwa naman ni Ganan na sa ngayon ay nagkakaroon na ng progreso subalit, hindi pa rin nila maitanggi ang kabagalan nito.

Desidido na rin ang kaniyang kapatid na makauwi sa Pilipinas dahil labis na rin ang epekto ng kaguluhan sa Lebanon sa kaniyang kalusugan, partikular na sa mental health.

At sa tuwing sila ay nagkakausap, hindi maiwasan ng kaniyang kapatid na manginig at maiyak dahil sa takot. Malayo man sila sa mismong lugar ng kaguluhan subalit, ramdam umano niya ang pagyanig sa bawat pagsabog.

Samantala, tiniyak naman umano ng gobyerno na susuportahan ang mga nagparepatriate upang magsimula muli sa Pilipinas.

Kahilingan lamang ni Ganan sa gobyerno na matiyak ang kaligtasan sa pag-uwi ng kaniyang kapatid.