Pinalagan at mariing itinanggi ni Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno ang mga ulat na nag-uugnay sa kanyang pangalan sa mga nakalap na resibo ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Kasunod ito ng paglutang ng pangalang “Jose Diokno, Jr.” sa mga acknowledgment receipt na iprininta sa impeachment court bilang kabilang umano sa mga nakatanggap ng pondo.
Nilinaw ng mambabatas at kilalang human rights lawyer na “Jose Manuel Diokno” ang kanyang opisyal na pangalan at kailanman ay hindi siya naging ahente o tumanggap ng anumang pondo mula sa Bise Presidente.
Binigyang-diin niya na matagal nang ginagamit ng kanyang mga kritiko ang ganitong klaseng isyu upang sirain at dungisan ang kanyang reputasyon.
Bumweltas din si Diokno sa mga bashers at trolls na nanamantala sa nasabing impormasyon.
Aniya, kung ipipilit ng mga ito na siya nga ang nakatanggap ng nasabing pondo, tila inamin na rin ng mga sumusuporta kay Vice President Sara Duterte na mayroong matinding iregularidad at maling paggastos sa confidential funds ng OVP.










