Hinamon ni impeachment endorser at House Committee on Human Rights Chair Bienvenido “Benny” Abante Jr. ang apat na dating bodyguard ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na pangalanan at patunayan kung sino ang nasa likod ng mga affidavit na kanilang binawi.
Ang apat na sina Rosebert Macasasa Waupan, Cecilio Serafica Larroder Jr., Benny Bulontate at Bernard Tube ay nagsabing napilitan, nabantaan o nahikayat na lumagda sa mga inihandang affidavit na naglalaman ng mga alegasyon laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, Co at iba pang personalidad.
Ayon sa kanilang mga bagong salaysay, kabilang umano si Atty. Levito Baligod sa mga taong nag-utos o gumabay sa kanilang mga aktibidad at pahayag.
“Kung fabricated ang mga affidavit, sino ang nag-fabricate? Kung scripted, sino ang gumawa ng script? Kung may mastermind, pangalanan at patunayan,” ani Abante.
Binigyang-diin ni Abante na hindi sapat ang pagbawi sa affidavit upang agad matukoy kung alin ang totoo. Aniya, kailangang siyasatin at suportahan ng ebidensya ang mga bagong alegasyon ng pamimilit, pananakot at paggawa umano ng pekeng salaysay.
Sinabi rin ni Abante na dapat managot ang sinumang mapatutunayang nagplano o gumawa ng mga sinumpaang salaysay para siraan o idawit ang mga personalidad sa usaping impeachment.
Samantala, hinamon din ni House trial spokesperson at impeachment adviser Ace Barbers ang apat na pangalanan ang sinumang umano’y nag-utos o nag-organisa ng mga affidavit na kanilang binawi.
Kasama rin sa mga binanggit ng apat sina dating Rep. Mike Defensor at Sen. Rodante Marcoleta, na umano’y nangakong magbibigay ng legal o political support.
Si Jeron Gaveria Balderama naman, na nagsumite rin ng affidavit, ay hindi nag-recant. Iginiit niyang hindi siya kabilang sa grupong tinawag na “18 Marines” at wala siyang personal na kaalaman sa mga alegasyon o sinasabing paghahatid ng pera at mga maleta.










