Ipinatupad ng Sangguniang Bayan ng Lingayen ang reorganization ng mga committee chairmanship matapos umanong makatanggap ng reklamo laban sa isang konsehal na inaakusahan ng pang-aabuso sa kapangyarihan.

Kinumpirma ni Councilor Jonathan Ramos na siya ang nagsulong ng nasabing hakbang, na sinang-ayunan naman ng iba pang miyembro ng konseho.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ipinaliwanag ni Ramos na may natanggap na sumbong ang kanyang tanggapan na ginagamit umano ng naturang konsehal ang kanyang committee upang takutin ang ilang department head at kawani ng munisipyo, at kumikilos na para bang siya ang namumuno sa buong bayan.

--Ads--

Dahil dito, iginiit ni Ramos na kinakailangang balasahin ang mga committee chairmanship upang agarang matugunan ang mga reklamong isinampa.

Sa kasalukuyan, inalis na ang nasabing konsehal sa kanyang posisyon bilang committee chair.

Samantala, iginiit umano ng kampo ng konsehal na tinanggal sa committee chairmanship nito na siya umano ay pinagkaisahan ng kanyang mga kasamahan sa konseho.

Binigyang-diin naman ni Ramos na ang reorganization ay hindi personal na hakbang kundi bahagi ng pagpapanatili ng maayos na pamamahala.

Aniya, mahalagang malinaw sa bawat konsehal ang saklaw at limitasyon ng kanilang kapangyarihan.

Dagdag pa niya, nagsisilbi rin itong “wake-up call” sa lahat ng opisyal upang mas pagbutihin ang pagtupad sa kanilang tungkulin bilang mga committee chair at maiwasan ang anumang pang-aabuso sa posisyon.