Pormal na nilagdaan ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) at CS First Green Agri-Industrial Development, Inc. ang isang 10-megawatt Renewable Energy Supply Agreement.
Ang kasunduang ito ay bahagi ng mas malawak na hakbang upang isulong ang paggamit ng malinis at sustenableng enerhiya sa lalawigan ng Pangasinan.
Layon ng proyekto ang pagtatayo ng solar power plant sa bayan ng Bayambang, sa lalawigan ng Pangasinan na inaasahang makatutulong sa pagpapababa ng gastos sa kuryente, pagpapalakas ng suplay ng elektrisidad, at pagbawas ng epekto sa kapaligiran.
Sa pamamagitan ng naturang pasilidad, inaasahan ding mapalalakas ang kakayahan ng kooperatiba na tugunan ang tumataas na demand sa kuryente.
Naging sentro ng seremonya ang pangakong pagtutulungan ng mga sektor pampubliko at pribado upang makapaghatid ng dekalidad na serbisyo para sa mga member-consumer-owners ng kooperatiba.
Sa pagkakataong ito, nagbibigay daan ang solar power plant sa Bayambang upang magsilbing modelo ng renewable energy project sa rehiyon.
Inaasahang magkakaroon ng mas matatag at episyenteng sistema ng kuryente hindi lamang sa Pangasinan kundi sa iba pang lugar na saklaw ng operasyon ng CENPELCO.