Dagupan City – Isinagawa ang relief distribution sa Barangay Bonuan Gueset bilang bahagi ng patuloy na pagtugon ng lokal na pamahalaan sa mga apektadong residente sa lungsod.
Sa naturang aktibidad, kabilang sa mga ipinamahagi ang mga banig o sleeping mats na ipinagkaloob sa ilang piling benepisyaryo, kabilang ang mga buntis.
Nagsagawa rin ng koordinasyon ang Barangay Council ng Bonuan Gueset sa pamumuno ng mga opisyal ng barangay, katuwang ang pribadong sektor.
Bukod sa relief operations, nagpapatuloy ang implementasyon ng mga libreng serbisyong medikal na isinasagawa ng City Health Office (CHO).
Kabilang sa mga serbisyong ito ang mammogram, check-up, pagbibigay ng gamot, at iba’t ibang laboratoryo na available sa mga karapat-dapat na residente.
Nakatakda ring magsagawa ng karagdagang health initiative ang lungsod mula Agosto 18 hanggang 21, sa pagdating ng medical team mula sa Philippine Tuberculosis Society Inc., katuwang ang Department of Health at CHO.
Isasagawa ang Ubo Patrol Program, isang kampanyang nakatuon sa pagsusuri at paggamot ng mga kaso ng tuberculosis.
Ang mga aktibidad ay bahagi ng patuloy na programa ng lungsod sa ilalim ng public health response at social support mechanisms sa mga komunidad, sa pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan, barangay councils, at mga katuwang na organisasyon.