DAGUPAN CITY- Patuloy ang isinagawang relief at rescue operations sa bayan ng Calasiao matapos bahain ang maraming low-lying areas dulot ng sunod-sunod na malalakas na pag-ulan.
Ayon kay Municipal Mayor Patrick Agustin Caramat, naka-activate nang 24/7 ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang masigurong natutugunan ang lahat ng nangangailangan ng agarang tulong at pagsagip.
Katuwang dito ang iba’t ibang kawani ng lokal at pambansang pamahalaan.
Batay sa pinakahuling ulat ng lokal na pamahalaan, tinatayang mahigit 20,000 pamilya o higit 68,000 katao ang apektado ng matinding pagbaha.
Bago ideklara ang state of calamity, isinagawa muna ang masusing pagsusuri alinsunod sa mga itinatakdang pamantayan kabilang ang lawak ng pinsala, bilang ng mga apektado, at antas ng emergency na kailangan.