BOMBO DAGUPAN – Tinawanan lang ng actress na si Sanya Lopez ang hindi mamatay-matay na isyung, diumano, hiwalay na ang nakatatanda niyang kapatid na si Jak Roberto at long-time girlfriend nitong si Barbie Forteza.

Makailang beses nang naisyu ang relasyon nina Barbie at Jak o JakBie, lalo na nang magkaroon ng ka-loveteam si Barbie sa katauhan ni David Licauco.

Nagsimula ito nang kahumalingan ng publiko ang tambalan nina Barbie at David, o mas kilala ngayon bilang BarDa, nang magkapareha sila sa isang proyekto.

--Ads--

Simula nito, nagsunud-sunod na ang mga proyekto nilang magkasama at dahil sa mas madalas nilang pagsasama, may ilang espekulasyon ang lumutang na si Barbie ay hiwalay na kay Jak.

Saad ni Sanya na natutuwa siya sa relasyon ng dalawa dahil nakikita niya kung paano magtulungan ang dalawa na palaguin ang kanilang magkahiwalay na karera.

Sa likod ng intriga sa kanilang pagmamahalan, going strong ang relasyon nina Jak at Barbie.

Noong May 19, 2024, ipinagdiwang ng dalawa ang kanilang ikapitong anibersaryo bilang magkasintahan.