Naniniwala si Engr. Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG na planado ang pagnanais na itaas ang dami ng aangkating karne ng baboy at ibaba ang taripa nito.

Sa panayam ng bombo Radyo Dagupan kay So, tahasan niyang sinabi na planado ito ng Malakanyang bilang paghahanda na rin para sa susunod na eleksyon.

Naniniwala si So na bukod kay DA Secretary William Dar ay may kasama pa ito sa nasabing hakbang dahil malaking komisyon ang makukuha sa importasyon ng karne.

--Ads--
Engr. Rosendo So-SINAG chairman

Ginawa ni So ang pahayag kaugnay sa naganap na pagdinig ng Senate Committee of the Whole na pinamumunuan ni Senate President Tito Sotto III kaugnay sa rekomendasyon ni Agriculture Secretary William Dar na itaas ang dami ng inaangkat na karne ng baboy at ibaba ang taripa nito.

Kinuwestyun ng mga senador kung ano ang basehan ng DA sa nabanggit na rekomendasyon dahil kung ibabatay sa local demand sa pork ng mga nakaraang taon ay hindi naman kailangang umabot sa 400,000 metriko tonelada ang aangkating karne ng baboy.