DAGUPAN CITY- Panawagan ng Kontra Daya sa kanilang isinumiteng disqualification case laban Vendor’s Partlyist ang tamang nominees na tatayo para sa mga marginalized sectors.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Danilo Arao, Convenor ng nasabing grupo, malalaking negosyante ang top 3 nominees nito at kwestyonable ang kanilang track record dahil tila hindi nila kinakatawanan ang mga vendors sa bansa.
Giit niya na hindi na maaaring matatawag na vendor ang isang mayaman at may ari ng mga negosyo dahil hindi na ito pasok sa inirerepresentang marginalized and under represented sectors.
Mas mabuti aniya kung mangungunang nominee si Diwata subalit, nasa ika-apat lamang ito. At marami ang nagsasabing ginagamit lamang si Diwata ng mga ito para maisulong ang partylist.
Sinabi naman ni Arao na hindi biro ang kanilang paghain ng kaso laban sa nasabing partylist dahil kinailangan pa nila magbayad ng hindi kumulang P10,000 na filing fee.
Marami rin ang proseso ang pagdadaanan nito lalo na sa paghahanda ng mga dokumento.
At sa kasalukuyan, wala pang tugon ang Vendors’ Partylist matapos mabigyan ang mga ito ng kopya ng kanilang reklamo.
Inaasahan na lamang nila na mapapabilis pa ang proseso bago ang araw ng halalan sa May 12.
Kaya kanilang panawagan sa mga botante na tiyakin na kinakatawan ng ibobotong partylist ang tunay na tinatayuan ng kanilang sektor.