DAGUPAN CITY – Makikiisa ang rehiyon uno sa paparating na 3rd Quarter ng Nationwide Simulateneous Earthquake Drill sa bansa kung saan isasagawa ito sa September 26, 2024, araw ng Huwebes sa Don Mariano Marcos Memorial State University, La Union Campus sa bayan ng San Fernando sa may lalawigan ng La Union bilang paghahanda sa maaaring epekto ng mga paparating na lindol sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Adrianne Pagsolingan, Public Information Officer ng Office of the Civil Defense Region 1, mahalaga ang pagkakaroon ng earthquake drill upang maging handa ang bansa sa mga posibilidad na mangyari sa paglindol.
Sa ngayon ay pinaka-pinaghahandaan ang ‘The Big One’, kung saan maaaring asahan ang mga pinakamalalang pangyayari sa isang lindol o ang tinatayang 8.2 magnitude na lindol sa Greater Manila Area (GMA) kung saan ay maaaring magkaroon ng malalang epekto sa mga gusali, kalsada, sa iba pang estruktura, maging sa kaligtasan ng mga mamamayan.
Ayon sa opisyal, ang simpleng pakikiisa sa mga drills ay nagpapakita ng kahandaan at malaking bahagi sa pagbuo ng reactions o response kung mangyari ang isang lindol at maaaring magpaliit sa magiging epekto ng ‘The Big One’ sa bansa.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang pag-update ng gobyerno sa mga resources na maaring magamit sa nasabing sakuna. Patuloy rin ang adbokasiya ng Office of the Civil Defense at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC sa pag-abiso sa mga kababayan at pag-employ ng mga sound engineering solution.
Nagpaalala rin ang opisina na huwag mag-panic sa oras na nakaramdam ng paglindol at sundin ang mg alituntunin na ibinibigay ng pamahalaan.
Apat na beses ginaganap ang eathquake drill kung saan nilalahokan ito ng ibat’-ibang rehiyon sa loob ng bansa.