DAGUPAN CITY- Mas maigi kung magkakaroon ng regular na press briefing o press conference kasama ang Pangulo, upang maiwasan ang ambush interviews ng mga reporter na naka-assign sa presidential beat.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jonathan de Santos, Chairman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), mas maganda umano na magsagawa ng regular na presscon upang maiwasan ang ilang mga gusot.

Kinumpirma rin nitong may hiling umano ang Presidential Communications Office (PCO) na palitan ang isang mamamahayag sa kaniyang beat mula sa isang media network dahil sa umano’y paglabag sa itinakdang protocol.

--Ads--

Aniya, bagamat positibo aniya na dumaan ito sa pormal na paraan ng pag-request, ang ganitong mga hakbang ay dapat nakabatay sa kakayahan ng reporter at sa desisyon ng media organization kung saan siya nakatalaga.

Sa kasalukuyan, ayon sa NUJP, wala pang opisyal na tugon ang Malacañang sa liham na kanilang ipinadala ukol sa isyu.

Gayunpaman, posible umanong may mga “behind-the-scenes” na pag-uusap na isinagawa na ng magkabilang panig.

Hiling naman ng Malacañang Press Corps na mabigyan sila ng pagkakataon upang mapag-usapan nang maayos ang naturang gusot.