Isa sa mga matagal nang sumusuporta sa blood donation program ng Bombo Radyo Philippines, Bombo Radyo Dagupan, at Star FM ang muling nakibahagi ngayong taon sa Dugong Bombo 2025.

Si Ruel De Guzman, isang regular donor, ay muling nag-alay ng dugo matapos mahinto noong nagdaang taon.

Ayon kay De Guzman, taon-taon ay sinisikap niyang dumalo at makibahagi sa Dugong Bombo dahil naniniwala siya sa layunin ng programa na makatulong sa mga nangangailangan ng dugo.

--Ads--

Para sa kanya, ang pagkakaroon ng sapat at stable na blood supply ay isang non-negotiable na pangangailangan, lalo na sa mga pasyenteng umaasa rito.

Nagsimula ang kanyang pakikilahok sa Dugong Bombo noong 2011, at ang kauna-unahan niyang matagumpay na donasyon ay naitala noong 2012.

Nagkaroon lamang ng pagkaantala sa kanyang pagdodonate noong panahon ng pandemya. Pagkatapos nito, muling bumalik si De Guzman sa taunang bloodletting kahit pa nakaranas siya ng hindi matagumpay na screening noong nakaraang taon dahil sa mababang hemoglobin level.

Ngayong 2025, mas naging determinado siya na makapag-donate muli. Pinaghahandaan niya ang kalusugan upang masiguro na pasado siya sa mga kinakailangang medical checks tulad ng blood pressure at hemoglobin test.

Para kay De Guzman, mahalaga ang pagdodonate hindi lamang para sa mga makatatanggap, kundi maging para sa kalusugan ng donor dahil nakatutulong umano ang regular na pagdodonate sa paglinis at pag-recirculate ng mas sariwang dugo sa katawan.

Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa Bombo Radyo at Star FM sa patuloy na pagsasagawa ng Dugong Bombo, na aniya’y malaking suporta sa mga pamilyang nangangailangan ng dugo. Idiniin niyang maging ang mga taong hindi man maykaya sa pera, ay maaaring makatulong sa kapwa sa pamamagitan ng pagdodonate.

Para kay De Guzman, hindi matutumbasan ng anumang bagay ang pakiramdam na nakapagdudugtong siya ng buhay. Ipinapaalala rin niya na ang isang bag ng dugo ay maaaring makatulong hanggang tatlong pasyente, at ito ay sapat na dahilan upang hikayatin ang publiko na makilahok.

Saad niya, ang simpleng pag-alay ng dugo ay isa nang konkretong paraan ng pagtulong, kahit hindi malaking halaga ang kayang ibigay.