“To be the best version of themselves sa larangan ng public service.”
Ito ang binigyang-diin ni Lingayen Councilor Jay Mark Kevin Crisostomo sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa gaganapin na regional project ng Philippine Councilors League (PCL) na pinangungunahan ni Regional Chair Carol Sison ng Alaminos City sa Baguio, kung saan ay magkakaroon naman sila ng partnership sa University of the Philippines College of Public Administration kasama pa ang ilang mga tagapagsalita mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na magbibigay naman sa kanila ng mga tips, trainings, at workshops na may kaugnayan sa local public policy forces for legislators.
Dagdag pa ni Crisostomo na bilang layunin ng mga konsehal, vice mayors, board members, at mga mambabatas sa Sangguniang Panlalawigan o Panlungsod ang tumulong sa paggawa ng mga ordinances at mga resolutions na ina-apply naman sa mga bayan o sa lalawigan, isang magandang oportunidad ang magaganap na programa dahil marami silang matututunan dito lalong lalo na ang mga bagong mambabatas ng lalawigan at ng buong Rehiyon Uno.
Maliban pa rito aniya na makakatulong din ang programang ito upang pagandahin at pagtibayin pa ang kanilang leadership skills, communication skills, at higit sa lahat ay sa kanilang tungkulin bilang mambabatas ng kanilang mga nasasakupan.
Bagamat hindi “enforceable” o hindi sapilitan ang mga ganitong trainings at seminars, idiniin naman ng konsehal na mayorya ng mga legislators sa buong lalawigan ang nais namang matuto at makiisa sa naturang proyekto ng PCL.
Itinuturing naman ni Crisostomo na isang malaking karangalan ang makasama sa mga ganitong trainings at seminars dahil sa tulong ng mga ito ay nakapagpasa na siya ng 24 ordinances, at 116 resolutions bilang isang konsehal ng bayan ng Lingayen, kung saan ay ipinagmalaki naman nito ang isa sa mga pinakamakabuluhang ordinansang naipasa nito na tinatawag niyang “Scholarship Ordinance” o mas kilala sa tawag na “Iskolar Ako ng Bayan” Ordinance na naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na estudyante na mayroong kapasidad na makapasok at makapagtapos ng kanilang pag-aaral.
Ang naturang programa ay magsisimula ngayong araw, Oktubre 25 na tatagal naman hanggang Oktubre 28 para sa unang batch ng mga sasali sa seminar, na pangungunahan naman ng mga propesor at iba pang mga tagapagsalita mula sa University of the Philippines.
Kasama rin sa programa ang pagbabahagi ng kanilang mga kasanayan at best practices na mapapakinabangan naman ng bawat isa.