DAGUPAN CITY- Pinangunahan ng Regional Alternative Child Care Office (RACCO) 1 ang isang matagumpay na aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng Adoption and Alternative Child Care Week na isinasagawa tuwing ikalawang linggo ng Hunyo.

Inilunsad ang RACCO 1 sa ilalim ng bagong itinatag na ahensya na National Authority for Child Care (NACC), alinsunod sa Republic Act 11642.

Layunin ng batas na ito na gawing mas simple, mabilis, at maayos ang proseso ng legal na pag-aampon at pagbibigay ng alternatibong pangangalaga sa mga batang naabuso, naabandona, o nangangailangan ng pamilya.

--Ads--

Binigyang-diin ni Hiyasmin Joy O. Nieva-Rabelas, Social Welfare Officer IV at Officer-in-Charge ng RACCO-1,, ang kahalagahan ng pagpapakilala sa publiko ng mga tamang proseso at serbisyo.

Batay sa datos mula 2023 hanggang Mayo 2025, naitala ang 109 na approved adoptive parents kung saan apat na lamang ang available para sa matching.

Naitala rin ang 105 adoptive children, 78 active foster parents, at 88 foster children, kung saan 37 sa mga ito ay may natatanggap na subsidy.

Dagdag pa niya na isa sa mga kinaharap na hamon ay ang emosyonal na aspeto ng pagiging foster parent kaya patuloy ang pagbibigay ng gabay ng ahensya sa mga magulang sa ganitong proseso.