Dagupan City – Nanawagan ang Region I Medical Center ng blood donation matapos magkulang ang suplay ng dugo sa rehiyon.

Ayon kay Gerald Dioquino, Blood Donor Recruitment Officer ng Region I Medical Center (RIMC) at National Voluntary Blood Services Program (NVBSP), may kasalukuyang suplay ng dugo na tumutulong sa mga pasyenteng nangangailangan, matapos magsagawa ng iba’t ibang blood donation activities.

Gayunpaman, aminado si Dioquino na hindi pa rin sapat ang suplay upang matugunan ang mataas na demand.

--Ads--

Aniya, sa tuwing may isinasagawang blood donation activity ay karaniwang nakakakolekta sila ng humigit-kumulang 30 hanggang 50 bag ng dugo, samantalang umaabot naman sa 100 bag ang kinakailangan ng mga pasyente.

Ilan sa mga pangunahing nangangailangan ng dugo ay ang mga pasyenteng naka-admit hindi lamang sa mga ospital sa Pangasinan kundi maging sa iba pang lugar.

Kabilang dito ang mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis, mga nanganganak, at mga dumaranas ng iba’t ibang karamdaman.

Binigyang-diin ni Dioquino na lubhang maaapektuhan ang mga pasyente kung muling magkukulang ang stock ng dugo.

Kaya naman patuloy ang panawagan ng opisina sa publiko na makilahok sa mga blood donation drive.

Dagdag pa niya, ang mga nais mag-donate ng dugo ay kinakailangang magdala ng valid ID at dumaan sa screening process tulad ng interview at health assessment.

Nilinaw naman ni Dioquino na ang mga nakokolektang dugo ay sumasailalim din sa masusing pagsusuri upang matiyak ang kaligtasan bago ito ibigay sa mga pasyente.

Tiniyak din ni Dioquino na ang isang bag ng dugong naidodonate ay maaaring makatulong sa higit sa isang pasyente.