Patuloy na naka-red alert status ang buong Region 1 sa pangunguna ng Office of the Civil Defense (OCD) bilang paghahanda sa mga sama ng panahon na patuloy na binabantayan ng mga awtoridad.

Ayon kay OCD Region 1 Director Lawrence Mina, nananatiling nakaalerto ang kanilang tanggapan dahil sa panibagong bagyo na nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR), gayundin sa isa pang weather disturbance na nasa labas pa ng PAR.

Umaasa umano ang kanilang tanggapan na hindi na ito papasok sa bansa upang hindi na madagdagan ang epekto ng masamang panahon sa rehiyon.

--Ads--

Ibinahagi rin ni Mina na maglulunsad sila ng pre-disaster risk assessment upang higit pang paghandaan ang mga posibleng epekto ng mga paparating na bagyo.

Kung saan noon pa man ay may mga prepositioned equipment at kailangan na lamang kargahan ng mga tauhan na siyang gagamit nito sa operasyon.

Patuloy rin ang validation sa mga identified landslide-prone areas, lalo na kung maapektuhan ang mga national highways.

Sa kasalukuyan, may mga kinukumpirma pang ulat mula sa mga lokal na pamahalaan.

Sa Agoo, La Union, 12 barangay pa ang nananatiling lubog sa baha at may mga residente rin na nananatili sa mga evacuation centers habang patuloy ang pamimigay ng tulong sa mga nasalanta, partikular sa mga pangunahing pangangailangan.

Tiniyak ni Mina na available pa rin ang mga relief goods at assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sakaling kailanganin.

Sa lalawigan ng Pangasinan, may mga lugar ding kasalukuyang lubog sa baha dahil sa pabago-bagong panahon.

Muli namang paalala ni Director Mina, na kapag may abiso ng paglikas, ay agad na sumunod upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.