Dagupan City – Inihahanda na ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 1 ang gagawing malawakang earthquake drill sa rehiyon ngayong 2025, kung saan itinalaga ang bayan ng Binmaley bilang pilot area para sa sabayang pagsasanay.

Ayon kay Freddie C. Evangelista, Information Officer II ng OCD Region 1, nagsagawa na ng paunang koordinasyon ang kanilang tanggapan sa mga lokal na pamahalaan, partikular na sa LGU ng Binmaley, bilang bahagi ng paghahanda para sa simultaneous earthquake drill na isasagawa sa buong rehiyon.

Aniya, nakatakdang magsagawa ng isang real scenario drill ang mga ito upang mapaghandaan at mapabilis ang phasing ng evacuation tuwing may mga kalamidad.

--Ads--

Layunin umano nito na maitaas ang kamalayan ng publiko hinggil sa kahalagahan ng kahandaan sa panahon ng lindol at iba pang sakuna.

Dagdag pa niya, isa sa mga positibong epekto ng ganitong aktibidad ay ang pagkakaroon ng kaalaman ng mga mamamayan sa mga ligtas na lugar na dapat puntahan sa oras ng kalamidad.

Sa mga pagsasanay na ito, nalalaman ng publiko kung saan sila dapat pumwesto at kung alin ang mga pinaka ligtas na lugar sa kanilang paligid.

Inaasahan naman na lalahukan ito ng iba’t ibang sektor tulad ng mga paaralan, barangay, negosyo, at iba pang institusyon upang mas mapalawak ang saklaw ng kahandaan sa buong rehiyon.

Ang naturang drill ay bahagi ng taunang National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na isinasagawa sa buong bansa sa pangunguna ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).