DAGUPAN CITY- Nasa ilalim na ng full alert ang Region 1 Medical Center sa lungsod ng Dagupan para sa darating na holiday season para sa mga posibleng pagtala ng mga pasyenteng nabiktima ng paputok.

Ayon kay Dr. Dino Manzano ,Medical Specialists ng R1MC, na ang buong ospital ay nakasuot na ng white coat, na siyang nangangahulugang 24/7 naka-on call ang lahat ng mga emergency personnel upang magbigay ng agarang tulong sa mga posibleng biktima ng paputok o disgrasya ngayong holiday season.

Ang Region 1 Medical Center (R1MC) sa lungsod ng Dagupan ay may dalawang sangay ng Emergency Room, ang isa ay nasa Arellano Street, Dagupan City, at ang pangalawa ay nasa Bonuan Binloc. Sa mga darating na araw ng Pasko at Bagong Taon, naghanda ang ospital para sa anumang posibleng emergency.

--Ads--

Paliwanag pa ni Manzano, na kapag ang isang pasyente ay dinala na sa Emergency Room, agad itong aayusin ng mga doktor at nurses batay sa uri ng injury na natamo ng pasyente.

Binanggit din ni Manzano ang taunang programa ng Department of Health (DOH) na tinatawag na “APIR” o Action Paputok Injury Reduction. Aniya, Isinasagawa ito tuwing Disyembre upang ihanda ang mga barangay health workers at iba pang mga medical personnel para sa posibleng paputok-related injuries.

Sa ganitong paraan, tiyakin na ang mga residente ay magkakaroon ng paunang lunas bago pa man sila makararating sa ospital.