DAGUPAN CITY– Isinusulong na ng Region 1 Medical Center sa Dagupan City, Pangasinan ang mas malawak at modernisadong serbisyo sa susunod na tatlo hanggang limang taon, matapos maisabatas ang Republic Act 12203.
Sa ilalim ng bagong batas, tataas mula animnaraan patungong isanlibo’t limandaang kama ang kapasidad ng ospital.
Kasama rin sa expansion ang pagdaragdag ng mga doktor, nars, administrative staff, at iba pang mga health professionals upang mas tugunan ang pangangailangan ng mga pasyente sa buong rehiyon.
Dahil sa pagkakapasa ng batas, makakakuha na rin ng pondo ang ospital mula sa national budget sa ilalim ng Department of Health, na inaasahang magpapabilis sa pagsasaayos at pagpapalawak ng serbisyo nito.
Kasalukuyan nang ginagawa ang isang pitong-palapag na gusali na bahagi ng Tower 1 ng ospital bilang unang hakbang sa development plan.
Samantala, nagpupulong na ang mga opisyal ng ospital at mga stakeholder upang ayusin ang mga panuntunan sa pagpapatupad ng batas.
Tinatapos na rin ang pagkalap ng mga suhestyon para sa Implementing Rules and Regulations bago ito tuluyang ilathala.
Sa oras na maisakatuparan, inaasahang makatutulong ito upang mapalawak ang access sa dekalidad na serbisyong medikal sa rehiyon.