DAGUPAN CITY- Patuloy nakataas sa red tide alert ang anumang uri ng shellfish o tahong, alamang at talaba mula sa baybayin ng Anda at Bolinao, sa lalawigan.

Ayon kay Atty. Girly Dela Peña, Officer-in-charge Regional Director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 1, regular ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga Local Government Units (LGUs) at Agriculture Officers sa mga nasabing bayan upang bantayan at tiyakin hindi na ibinebenta sa merkado ang mga nasabing produkto.

Aniya, nagbibigay din sila ng abiso sa mga kalapit munisipalidad at probinsya upang obligahin ang mga market inspectors/administrators na suriin ang pinanggalingan ng mga ibinebentang produkto.

--Ads--

Samantala, buong handa ang kanilang tanggapan na ipaunawa sa mga kinauukulan ang epekto ng red tide sa naturang kabuhayan.

Hinihingi naman ni Dela Peña ang buong kooperasyon at paunawa ng mga apektadong kabuhayan upang protektahan ang publiko mula sa banta ng red tide, lalo na sa kalusugan.

Laking pasasalamat naman ng kanilang ahensya sa LGU ng dalawang munisipalidad na tumutulong sa pagpapaunawa sa publiko ng sitwasyon.

Tiniyak niya na patuloy ang kanilang monitoring at pagbibigay update sa publiko hinggil sa red tide.