Dagupan City – Ipinaliwanag ng Bureau of treasury Region 1 sa publiko ang mga ‘Red flag’ sa investment scam.
Ayon kay Wihelmsen Palmes, Treasury Operation Officer ng Bureau of treasury region 1, isa sa mga palatandaang dapat ikaalarma ay ang pangakong madodoble ang perang ini-invest, na isang karaniwang taktika ng mga scammer.
Dagdag pa niya, dapat ding mag-ingat sa mga humihingi ng OTP o One-Time Password, dahil maaari itong gamitin upang ma-access ang personal na impormasyon o online account ng isang tao.
Sa panahon kasi ngayon ani Palmes, maraming alok ang ‘too good to be true’. Nangangahulugan na kung ganito ang presentasyon ng isang investment, ito ay dapat na agad pagdudahan.
Ipinaliwanag niya na ang investment scam ay isang uri ng panlilinlang kung saan nangangako ang mga scammer ng mataas na kita o garantisadong return mula sa mga pekeng investment.
Dahil dito, muling paalala ng Bureau of Treasury na kilatising mabuti ang mga nakakausap at huwag basta-bastang magtitiwala sa mga alok na hindi beripikado.
Kinakailangan din aniyang ugaliing magsaliksik at tiyaking rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang anumang investment offer.