Dagupan City – Nakataas pa rin ang Red Alert Status sa lalawigan ng Pangasinan dulot ng bagyong Nika.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vincent Chiu, Operations Chief ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ito’y matapos na itaas ang north easthern portion ng lalawigan sa signal no. 2 habang nasa signal no. 1 naman ang natitirang bahagi nito.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Chiu na nakahanda na ang kanilang kagamitan at personnel sa posibleng epekto ng bagyo.
Bagamat nasa low level pa rin ang mga katubigan sa lalawigan ay patuloy naman aniya ang kanilang isinasagawang monitoring sa Agno River at iba pang river system upang maagapan ang pagtaas nito.
Magpapakawala na rin ng tubig ang San Roque Dam, kung saan ay bubuksan ang gate 2A ng 0.5 metro na may estimate discharge na 63 cubic meters per second mamayang alas-12 ng tanghali upang babaan ang reservoir elevation bilang paghahanda pa rin sa epekto ng Tropical Cyclone Nika.
Samantala, bagama’t wala pang banta ng storm surge sa mga coastal areas, nauna na ring nag-abiso at nagbigay ng warning aniya ang bawa’t ahensya ng lokal na pamahalaan na kung kinakailangan lumikas ay lumikas na lamang para sa kaligtasan.