Sinisikap ng mga rescue team sa Nepal na maabot ang daan-daang manggagawang na-trap sa mga tunnel mula noong napakalaking flash flood nitong Miyerkules.
Isang katawan na ang narekober mula sa Langtang Hydro tunnel, habang patuloy namang ipinapasok ang hangin sa Trishuli-3A site. Isang kontroladong pagpapasabog din ang isinagawa sa Trishuli site noong madaling-araw ng Lunes.
Samantala,ayon kay Rachel Neyra, Bombo International News Correspondent sa Nepal, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, habang patuloy ang rescue at recovery operations sa Nepal matapos ang mapaminsalang flash floods, ay isingawa naman ang mass burial para sa mga nasawi na narekober na ng mga awtoridad.
Hindi na umano kinaya ng mga morgue ang dami ng mga narekober na labi kaya nagpasya ang pamahalaan na magsagawa ng mass burial para sa mga narekober na labi.
Sumasailalim din umano sa DNA testing ang mga narekober na labi upang magkaroon ng tala at magsilbing reference sakaling matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima sa hinaharap.
Dahil sa insidente, mas naging alerto rin ang mga awtoridad at residente sa pagbabantay sa mga lawa at iba pang lugar na maaaring magdulot ng panganib, lalo na’t nagpapatuloy ang pag-ulan na nakaaapekto rin sa recovery operations.










