DAGUPAN CITY- Isinagawa ng Sangguniang Bayan ng Bugallon ang isang public hearing kaugnay sa reclassification ng mahigit 600 ektaryang lupa na gagamitin sa itinatayong solar power project sa mga barangay ng Cayanga, Salomague Sur at Salomague Norte.
Ayon kay Municipal Councilor Jojo Tandoc, chairman ng Committee on Laws at pangunahing may-akda ng panukala, tinalakay sa pagdinig ang panukalang reclassification ng humigit-kumulang 622 ektaryang agricultural lands patungo sa industrial classification.
Kapag naisakatuparan aniya, inaasahang tataas ang koleksiyon ng buwis ng lokal na pamahalaan na magbibigay benepisyo sa buong bayan ng Bugallon.
Ayon kay Councilor Jojo, nauna na umanong naaprubahan ng konseho ang resolusyon para sa reclassification at kasalukuyang binubuo ang ordinansa na isusumite sa Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan para sa pinal na pag-apruba.
Sa ngayon, apat na lote na lamang ang may hindi pa naaayos na usapin, kung saan ang mga may-ari ay nakikipagnegosasyon at naghayag na handang ibenta ang kanilang lupa sa tamang halaga at ayon sa kanilang mga kondisyon.
Binibigyang-diin ng mga opisyal na bagama’t sinusuportahan ang proyekto bilang bahagi ng pambansang programa sa enerhiya, sisikapin nilang matiyak na mapapangalagaan ang kapakanan ng mga residente.
Tiniyak ng Sangguniang Bayan na patuloy nilang babalansehin ang pangangailangan sa kuryente at kaunlaran laban sa karapatan, kabuhayan at kaligtasan ng mamamayan ng Bugallon habang isinusulong ang solar power project.










