Nakakagulat ang matatalas umano ng mga pahayag at rebelasyon ni Senadora Imee Marcos laban kay pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Atty. Francis Dominick Abril, isang legal at political consultant, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sa kulturang Ilocano, ang panganay ang inaasahang magprotekta sana sa pamilya at magsikap na pag-ayusin ang mga hindi pagkakaunawaan ngunit kabaligtaran umano nito ang nangyayari ngayon.

Sinabi ni Abril na hindi na siya nasurpresa sa matitinding pahayag ng senadora, ngunit ikinagulat niya ang pagdalo nito sa isang political rally ng isang religious group na sumuporta pa sa kaniya noong nakaraang eleksyon.

--Ads--

Ang inaakala raw niya ay tutulong lamang si Sen. Marcos sa panawagan laban sa korapsyon, ngunit naging mas nakakagulat ang rebelasyon ng senadora na gumagamit umano ng ilegal na droga ang Pangulo.

Bagama’t nakatulong umano ang pahayag ng senadora sa mga nananawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Marcos, sinabi ni Abril na sa usaping sikolohikal, si PBBM ang naging biktima dahil mismong kapatid niya ang nanira sa kaniyang pangalan.

Tungkol naman sa panawagang sumailalim ang Pangulo sa drug test, sinabi ni Abril na hindi ito mahirap gawin, lalo na kung wala namang itinatago.

Dapat din aniyang sagutin ng Pangulo ang paratang upang maliwanagan ang publiko.

Matatandaang kamakailan ay inakusahan ni Senador na gumagamit umano ng ilegal na droga ang Pangulo at maging ang First Lady na si Liza Araneta-Marcos.

Hamon ni Marcos na magpa–hair follicle test si Pangulong Marcos Jr. at ang First Family.