Dagupan City – Ibinahagi ng Rank 9 November 2024 Philippine Nurses Licensure Examination ang kaniyang naging stratehiya at karanasan sa kasagsagan ng kaniyang pagre-review.

Ayon kay Mariel Buenaventura Butuhan, RN, bago pa lamang mag-umpisa ang kaniyang eksaminasyon ay itinatak na nito sa kaniyang kaisipan na gusto nitong maging topnotcher.

Aniya, hindi biro ang naging pagrereview nito, lalo na’t laganap ang mga distractions partikular na sa social media.

--Ads--

Kung kaya’t upang maituon ang sarili sa pag-aaral, nagtakda ito ng oras sa sarili sa paggamit ng social media.

Dagdag pa ang pagtatakda ng oras sa pagrereview na dapat ay umaga sa buong linggo, at ang pagsagot ng 500 katanungan kada araw hinggil sa kaniyang propesyon.

Bagama’t nakaranas ng burnout, pinipili pa rin aniya nitong manumbalik ang sarili sa kondisyon sa pamamagitan na rin ng kaniyang pagdarasal at pag memeditate bago magsimula sa kaniyang pag-rereview.

Sa kabilang banda, bagama’t hindi niya unang kurso ang nursing, mananatiling tatak aniya ito hindi lamang sa kaniya, kundi pati sa kaniyang pamilya dahil siya ang kauna-unahang nurse sa kanila.

Sa kasalukuyan, plano nitong ipagpatuloy ang kaniyang propesyon ngunit sa pamamaraan na ng pagtuturo sa kaniyang dating unibersidad.
Si Butuhan ay residente sa Binalonan, at nag-aral sa isang Unibersidad sa Urdaneta.