Dagupan City – Ibinahagi ni Leonel Martinez, RCrim, 26-anyos mula sa San Carlos City ang kaniyang karanasan sa likod ng pagiging isang Rank 8 February 2025 Licensure Examination for Criminologists.
Ayon kay Martinez, hindi naging madali ang kaniyang karanasan para mapabilang sa Rank 8.
Dahil aniya, kinakailangan ng matatag na pundasyon sa pag-aaral upang mas lalong maintindihan ang bawa’t impormasyon na kanilang inaaral.
Sa katunayan aniya, noong kasagsagan ng kaniyang kolehiyo partikular na noong 1st year college ay may mga bagsak rin siyang mga subjects, ngunit pinili pa rin niyang magpatuloy hanggang sa pagtungtong nito sa 2nd year college ay pinili na nitong seryusuhin ang pag-aaral.
Isa naman sa kaniyang pinanghugutan ng inspirasyon ay ang kaniyang pamilya, dahil aniya, siya pa lang ang kauna-unahang registered criminologist sa kanila.
Pagbabahagi naman nito, umpisa pa lang ng kaniyang pagrereview noong September 2024, sinabi na niya sa sarili na gusto nitong pumasa at mapabilang sa rank.
Bagama’t nahihirapan aniya siya sa Forensic Science, umisip siya ng paraan para tumatak ito sa kaniyang isipan, dito na niya ibinahagi ang estratehiya niya sa pagrereview — ang Repetitive Method. Nangangahulugan na kinakailangang gawin ng paulit-ulit ang pag-review upang mas lalong ma-retain o matandaan ang mga konsepto at impormasyon.
Ibinahagi naman nito ang kaniyang naging reaskyon noong nalaman na napabilang siya sa rank 8, aniya, hindi agad ito pumasok sa isipan at sa katunayan ay napagtanto na lamang niya na napabilang na talaga siya noong nagmessage na ang Bombo Radyo sa kaniya para sa panayam.
Sa kasalukuyan ayaw niya munang pasukin ang mundo ng pulisya, dahil pursigido umano itong magturo sa academe. Mensahe naman nito sa mga nais ding mag-criminology, umpisahan umano ito sa pagkakaroon ng matatag na pundasyon upang mas lalong maintindihan ang mga pinag-aaralan.