Mga kabombo! Isa ba kayo sa mga mahilig magbigay ng feedback sa mga “must try” na restaurants?
Eh paano na lamang kung ang ni-review mong restaurant ay nagalit dahil sa iyung opinyon? Ito kasi ang nangyari sa isang restaurnat sa Japan!
Kung saan, sa halip na tanggapin ang kritisismo, nagdeklara ng “manhunt” laban sa dalawang customers ang restaurants matapos umanong magbigay ng masamang review sa kanilang restaurant!
Kinilala ang restaurant na TOYOJIRO, isa sa mga top-rated na Jiro-style ramen restaurants sa Kyoto.
Trending ito online, matapos maglabas ng matinding pahayag ang may-ari nito sa social media. Ayon sa kanyang post, “Kung may isusulat kang walang kuwentang review, tutugisin ka namin. Bugbog ang aabutin mo.”
Hindi lang ‘yan—nag-alok pa siya ng 100,000-yen o katumbas ng mahigit P37,000 na pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon tungkol sa dalawang nagreklamong customers!
Bukod pa rito, ipinahayag niyang ang tanging paraan para mapatawad ang mga ito ay kung babalik sila sa restaurant, muling kakain, at magpo-post ng positibong review na may kasamang larawan.
Dahil sa isyu, maraming netizens ang naglabas ng kanilang sariling karanasan sa TOYOJIRO. Ayon sa ilang dating customers, mahigpit umano ang patakaran ng restaurant—bawal kunan ng litrato ang menu at ipost ito online, at ang mga lalabag ay pinagbabantaan na ilalantad sa internet.
Dahil sa kontrobersyang ito, marami ang nanawagan ng aksyon mula sa mga awtoridad. Habang kilala ang mga Jiro-style ramen restaurants sa kanilang istriktong serbisyo, marami ang naniniwalang sumobra na ang TOYOJIRO sa kanilang diskarte.