Muling binatikos ng grupong Bantay Bigas ang patuloy na epekto ng Rice Tariffication Law o Republic Act 11203, na umano’y nagdudulot ng matinding dagok sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at sa seguridad sa pagkain ng bansa.

Ayon kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, malinaw na hindi naging epektibo ang naturang batas para gawing competitive ang mga magsasaka sa industriya ng bigas. Sa halip, mas lalo pa itong nagpalala sa kanilang kalagayan.

Sa isang pagtitipon, ibinahagi ng maraming magsasaka ang kanilang testimonya hinggil sa mabigat na epekto ng batas at ng patuloy na rice importation.

--Ads--

Anila, hindi rin nakatulong ang mga ipinapatupad na programa ng pamahalaan dahil bigo pa ring makamit ang tunay na food security.

Kabilang din sa kanilang hinaing ang: kawalan ng sapat na lupang sakahan para sa mga magsasaka, pananatili ng malalawak na lupain sa ilalim ng mga hacienda, palpak na mga flood control project na nagdudulot ng pagbaha at pagkawasak ng mga pananim, at kulang na subsidies dahilan upang hindi maibsan ang mataas na cost of production.

Muli namang nanawagan ang Bantay Bigas na ihinto ang “todo-todong” importasyon ng bigas at iba pang pagkain.

Sa halip, iginiit ni Estavillo na dapat palakasin ang lokal na produksyon upang mapangalagaan ang kabuhayan ng mga magsasaka at masiguro ang sapat na suplay ng pagkain para sa lahat.