DAGUPAN CITY- Sinusunod ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Pangasinan IV ang mga itinakdang pamantayan at alituntunin ng ahensya sa pagpapatupad ng mga proyekto sa konstruksyon.

Ayon kay Engr. John Liwanag, Chief ng Construction Section ng nasabing distrito, mahigpit ang kanilang pagsunod sa disenyo ng proyekto na inaprubahan ng kanilang regional office.

Anumang disenyo na ipinapatupad sa distrito ay dumaan sa masusing pagsusuri at alinsunod sa national standards na inilabas ng ahensya.

--Ads--

Kung sakaling magkaroon ng mga pinsala sa mga imprastruktura dulot ng kalamidad, agad itong naaksyunan lalo na kung minimal lamang ang pinsala.

Sa kabila nito, tiniyak ng kanilang opisina na maayos at de-kalidad ang pagpapatupad ng mga proyekto.

Kaugnay naman ng mga isyung may kinalaman sa overpricing, binigyang-diin ni Engr. Liwanag na mahigpit nilang sinusunod ang opisyal na presyo na aprubado ng regional office.

Aniya, nagsasagawa ng quarterly price monitoring upang matiyak na akma sa merkado ang presyo ng mga materyales gaya ng cat’s eye at iba pang gamit sa konstruksyon.

Dagdag pa niya, ang mga presyo ng materyales ay kinokonsulta at kinukumpara mula sa mga lehitimong supplier at hindi basta-basta ibinabase lamang sa isang source.

May sinusunod silang itinakdang proseso ng canvassing upang masiguro ang patas at makatarungang costing sa bawat proyekto.

Sa ngayon, wala pa umanong naipapatupad na proyekto sa distrito na may kaugnayan sa cat’s eye, ngunit tiniyak ni Engr. Liwanag na anumang ipatupad sa hinaharap ay dadaan sa tamang proseso at mga panuntunang itinakda ng kanilang tanggapan.