Nais ngayong makamit ng pamilya ng isang Person with disability ang hustisya matapos itong barilin sa harapan ng kanilang tahanan sa bayan ng Sitio Inumaan, Brgy Don Pedro, Malasiqui, Pangasinan.

Nasawi ang biktimang si Joy Aragon, 26 anyos kasunod ng paglusob umano ng ilang mga suspek sa kanilang compound.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kapatid ng biktima na si Ginno Aragon, nagkaroon ng alitan noong Mayo 27 ang mga suspek at kaniyang kapatid matapos umanong mapagkamalan ang isa pa nilang kapatid na nangursunada na naging dahilan ng isang kaguluhan.

--Ads--

Kuwento pa ni Aragon, dahil sa nangyari nagsumbong sila sa barangay at hinihintay ang muli nilang pag-uusap sa barangay hall subalit hindi na ito nangyari pa matapos na lusubin na umano ang compound nila ng nakaalitang pamilya. Mahigit sa 5 miyembro ng pamilya Macaraeg ang sumugod umano sa kanilang compound.

Bunsod nito ay nagkaroon ng sagutan at gulo sa dalawang panig matapos sumugod sa kanilang tahanan ang naturang pamilya at nangyari ang pamamaril.

Tinukoy naman si Luisito Macaraeg na siyang nakabaril sa biktima.

Tatlong beses pa umano nitong pinaputok ang baril kaya sila nagsitakbuhan ngunit dahil sa kapansanan nito sa paa ay hindi agad nakapagtago ang biktima .

Dito na siya tinamaan ng baril na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Maliban sa nasawi, sugatan ang isa pa nilang kaanak matapos matamaan ng kadena na dala ng mga suspek.

Nabatid na naulila ng biktima ang dalawa nitong mga anak.

Joy Aragon- kapatid ng biktima

Nagpapatuloy naman na pinaghahanap ang nakabaril na suspek at iba pa habang naaresto naman ang dalawa sa mga kaanak nito na si Pjian at Bonifacio Macaraeg.