Nahaharap sa asunto ang isang Barangay Kapitan sa bayan ng Manaoag matapos mangialam sa illegal drugs operation ng mga awtoridad at pambabastos na ginawa sa hanay ng kapulisan.
Una rito, nagsagawa ng operasyon kontra iligal na droga ang Manaoag Police na nagresulta sa pagkakahuli sa suspek na si Jeffrey Taligac, 37-anyos na residente ng Brgy. Sapang sa nasabing bayan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Maj. Reinweck Alamay, OIC-Chief of Police ng Manaoag PNP, sinabi nito na muntik nang makatakas ang suspek matapos mangialam at kwestyunin ang nasabing operasyon ni Brgy. Sapang Punong Barangay Robert Calachan at pamilya nitong sina Marilou Calachan, Carding Calachan, Bebang Calachan, Teofilo Tabiga at Marilyn Santos.
Aniya, sumunod pa sa himpilan ng pulisya ang grupo ng kapitan, sinigawan at pinagmumura ang mga pulis. Nang aktong huhulihin ng mga pulis ang grupo ni Calachan ay agad nagsitakbuhan ang mga ito palayo sa himpilan.
Ayon kay Alamay, hindi nila maintindihan kung bakit nangialam ang nabanggit na Punong Barangay gayong hindi naman nito kaanak ang inarestong suspek.
Nakatakda naman aniya nila itong sampahan ng kasong Direct Assault at Obstruction of Justice at ieendorso rin nila sa DILG ang nasabing insidente upang maharap din ito sa kasong administratibo.