Hinamon ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na maglabas ng ebidensiya kung may nakitang iregularidad sa mga flood control project sa kanyang distrito.
Sa pahayag ni Duterte sa kanyang social media post, sinabi niyang nasa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga dokumento kaugnay ng mga proyekto, kabilang ang procurement records, kontrata at iba pang detalye ng kanilang implementasyon.
Giit ng kongresista, kung may nakitang posibleng paglabag, dapat itong suportahan ng konkretong ebidensiya at hindi lamang ihayag sa publiko habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Kung may ebidensiya kayo ng krimen, ilabas ninyo at panagutin ang dapat managot,” ani Duterte.
Hiniling din niya na iwasan ang tinawag niyang “trial by publicity” at sa halip ay ituon ang imbestigasyon sa mga dokumento at ebidensiyang maaaring magpatunay kung may naganap na katiwalian sa mga proyekto.
Sa huli, sinabi ni Duterte na trabaho ng mga imbestigador ang mangalap ng ebidensiya at tukuyin kung may dapat managot sa anumang iregularidad.










