Arestado ang isang pulis na nakadestino sa Bayambang Municipal Police Station sa kasong pangingikil sa motoristang bigong magpakita ng vaccination card.
Ayon kay Police Brig. Gen. Oliver Enmodias, direktor ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), kinilala ang suspek na si Police Corporal Daniel Penuliar, isang police Bayambang, dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ang modus umano ng suspek ay hahanapan nito ng vaccination card ang mga motorista at kapag walang maipakita ay hihingain sila ng P500.
Samantala, nakuha sa suspek ang PNP identification card, service firearm, handheld radio at P500 na ibinigay ng police poseur motorist.
Kasalukuyang nasa kustodiya si Penuliar ng IMEG Luzon Field Unit, Headquarters sa Clark Airbase, Angeles City, Pampanga para sa pagsasampa ng reklamo.
Samantala, tiniyak ni Enmodias na magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon para sa posibleng pagkakasangkot ng iba pang PNP personnel na gumagawa ng kahalintulad na modus.