DAGUPAN CITY- Mga Ka-Bombo! Ano ang gagawin mo kapag nakakita ka ng ahas sa iyong bahay?
Ano naman ang magiging reaksyon mo kapag napag-alaman mong ito ay peke o replica?
Isang nakakatuwang insidente kasi ang naganap sa Massachusetts, kung saan nagresponde ang mga pulis sa isang tawag tungkol sa isang ahas na umano’y pumasok sa loob ng bahay ng isang residente.
Ngunit nang dumating ang mga awtoridad, natuklasan nilang ang hinihinalang ahas ay isang pekeng reptilya na inilagay bilang biro!
Ayon sa Needham Police Department, dalawang pulis at ang kanilang animal control officer ang ipinadala sa bahay upang tulungan ang isang tawag mula sa isang residente na labis na nababahala.
Sa isang post sa social media, ikinuwento ng mga pulis kung paano nilapitan ni Officer Matthew Palmer ang “ahas” nang walang takot at hinawakan ito sa ulo upang ligtas na mailabas.
Ngunit ang di inaasahang nangyari, nang hawakan ni Palmer ang hayop, agad niyang napansin na isang plastic replica lang pala ito!
Ayon sa pahayag ng mga pulis, isang ibang tenant ng bahay ang naglagay ng pekeng ahas upang takutin ang babaeng may takot sa mga ahas.