DAGUPAN CITY– Nahaharap ngayon sa patong patong na kaso ang isang pulis matapos maaresto ng kaniyang mga kasamahan sa isinagawang entrapment operation laban dito na kanya pang ikinasugat nang manlaban at makipagpalitan ng putok sa San Fernando City, Pampanga .

Ang nasakoteng pulis na sangkot sa pangongotong ay si Corporal Joeton Samson, nakatalaga sa Mabalacat City Police Station.

Ayon sa impormasyon, isinagawa ang operasyon kasunod ng reklamo ng isang complainant na ‘di pinangalanan hinggil sa pangongotong umano ni Samson ng P150,000 kapalit ng pagre-release ng isang sasakyan na nakumpiska sa isang drug operation.

--Ads--

Aarestuhin na sana ng mga pulis si Samson matapos nitong tanggapin ang P150,000 boodle money mula sa complainant ngunit tinangka nitong tumakas upang paputukan ng mga operatiba ang gulong ng behikulo.

Nakorner naman ang suspect pero sa halip na sumuko ay pinaputukan ang mga kabaro nito dahilan upang gantihan nila ito ng putok.

Natamaan naman ang suspek sa kaliwang balikat na agad namang nalapatan ng lunas sa pagamutan.