Dagupan City – Nagbabadya ang posibilidad na muling tumigil sa pamamasada ang ilang Public Utility Jeepney (PUJ) drivers sa Pangasinan kasunod ng panibagong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, na muling nagdudulot ng pag-aalala sa sektor ng transportasyon sa lalawigan.

Muling nabigatan ang operasyon ng mga tsuper na umaasa sa araw-araw na kita mula sa pamamasada.

Ibinahagi ng ilang jeepney driver na nag-aalangan silang bumalik sa kalsada matapos lamang makabalik sa operasyon kasunod ng naunang pagbaba ng presyo ng langis.

--Ads--

Anila, muling naging mahirap ang sitwasyon para sa kanilang hanapbuhay dahil sa sunod-sunod na paggalaw ng presyo ng krudo.

Nauna nang tumigil ang ilang tsuper sa pamamasada ng halos isang buwan dahil sa mataas na gastusin sa gasolina, ngunit napilitan silang bumalik nang bumaba ang presyo sa mga nakaraang linggo.

Ayon naman sa ialn pang driver, malaking tulong kung bababa muli ang presyo ng diesel dahil direkta itong makapagpapaganda ng kanilang kita sa araw-araw.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board at sa pamahalaang panlalawigan para sa posibleng suporta, habang umaasa rin sila sa pag-apruba ng matagal nang hinihiling na dagdag-pasahe upang makatugon sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa operasyon.