DAGUPAN CITY- Isang tamang hakbang ang pagbubukas ni bagong Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga public officials.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Ronald Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, ang pagbubukas ng SALN sa publiko ay ang pagiging transparent sa lifestyle ng mga public officials.
Aniya, pagtitiyak ito na ginagawa nila ang sinumpaang katungkulan at hindi sangkot sa anumang katiwalian.
Giit niya, hindi dapat ito binibigyan ng mga kondisyon at restriksyon, bagay na ginawa ni dating Ombudsman Samuel Martires.
May mga pagkakataon kase na nakakalusot ang ilang mga opisyal at lumulobo ang kanilang pera sa bangko kahit ito ay kahinahinala.
Umaasa si Simbulan na patuloy susundan ni Remulla ang magandang direksyong tinatahak nito bilang bagong Ombudsman at walang papanigan.
Mungkahi naman niya na ang lahat ng mga SALN, simula noong 2016 kung kailan nagsimula ang maraming flood control projects hanggang kasalukuyan, ay mabusisi.
Ito ay makakatulong sa Independent Commission for Infrastructures (ICI), kongreso at senado sa kani-kanilang imbestigasyon.
Dagdag pa ni Simbulan, hindi dapat hinihingan ng ‘consent’ ang mga opisyal para mabuksan ang kanilang SALN at nararapat lamang na nasa Office of Ombudsman ang desisyon na ito.