“Ang isip at katawan ay nagtutulungan. Kapag hindi balanse ang reaksyon, nagkakaroon ng panic attack.”
Yan ang ibinahagi ni Dr. Argel B. Masanda- Psychologist patungkol sa panic attack at fear response, kabilang ang mga sanhi, sintomas, at ang tamang hakbang upang mapagaan ang epekto nito sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Ayon kay Dr. Masanda, ang panic attack ay isang pinagsamang reaksyon ng isip at katawan sa labis na takot.
Bagama’t normal ang pakiramdam ng takot, ang panic attack ay naiiba dahil nagdudulot ito ng labis na physiological arousal kahit wala namang totoong banta sa paligid.
Ipinaliwanag din niya ang kaibahan ng fear response at panic attack.
Ang fear response ay natural at adaptive; bahagi ito ng survival mechanism ng katawan.
Samantalang, ang panic attack ay nagaganap kahit walang totoong banta at maaaring magdulot ng labis na stress at pinsala sa kalusugan.
Malalaman na ito ay panic attack kapag wala sa harapan ang bagay na kinatatakutan ngunit nagre-react ang katawan na parang naroroon ito.
Halimbawa, kung nag-hyperventilate, nanginginig, at lumalakas ang tibok ng puso nang walang malinaw na dahilan, ito ay panic attack.
Samantalang ang simpleng kaba o pagkataranta lamang ay natural na fear response.
Para sa mga nakakaranas ng panic attack, mahalaga ang psychotherapy.
Dito, tinuturuan ang pasyente na maunawaan at harapin ang kanyang kinatatakutan. Maaari rin silang payuhan ng psychotropic medication upang matulungan ang katawan na magkaroon ng tamang reaksyon sa mga trigger.
Ayon kay Dr. Masanda, ang panic attack ay maaaring dulot ng psychological triggers—mga hindi pa napoprosesong karanasan o trauma, brain mechanisms tulad ng hyperactivation ng amygdala sa limbic system ng utak, at chemical imbalances, gaya ng overproduction ng GABA (gamma amino butyric acid), na nagdudulot ng labis na reaksyon ng katawan sa simpleng stimuli.
Pinayuhan niya ang mga nakakaranas ng panic attack na humingi ng tulong sa mga mental health professionals upang magkaroon ng tamang gabay at suporta mula sa mga eksperto.










