DAGUPAN CITY- Ibinahagi ni Dr. Elbert Galas, ng Pangasinan State University President, ang naging karanasan at mga hakbang ng pamantasan matapos ang naging epekto ng huling monsoon na nagdulot ng hindi inaasahang storm surge sa ilang bahagi ng campus, partikular sa Lingayen.
Ayon kay Dr. Galas, ikinagulat ng pamunuan ng unibersidad ang lakas ng pagtaas ng tubig. Dahil dito, pansamantalang isinara ang ilang silid-aralan at opisina upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at kawani.
Ipinaliwanag din na ang Legacy Building ng unibersidad ay sadyang idinisenyo upang makasabay sa mga ganitong uri ng kalamidad. Ang unang palapag ng gusali ay hindi inilaan bilang opisina, bagkus ay ginawang open area o study shed na maaaring gamitin ng mga mag-aaral habang wala silang klase.
Ang mga silid-aralan naman ay matatagpuan simula ikalawang palapag pataas hanggang sa ikatlong palapag, bilang bahagi ng flood-resilient design ng gusali.
Gayunman, inamin ni Dr. Galas na hindi pa rin inaasahan ang lawak ng pinsalang dulot ng naturang sakuna, lalo na sa mga mas lumang gusali ng unibersidad.
Aniya, kung isasailalim sa pagsasaayos o renovation ang mga ito sa hinaharap, gagamitin na ang disenyo at estruktura ng mga bagong gusali bilang pamantayan upang mas maging handa sa mga pagbaha at iba pang kalamidad.
Kaugnay nito, binigyang-diin din ni Dr. Galas ang kahalagahan ng agarang pagtugon ng PSU sa panahon ng sakuna sa pamamagitan ng nakalaang 10% reserve fund ng unibersidad.
Ang pondong ito ay maaaring gamitin kaagad sa ilalim ng awtoridad ng pangulo upang tugunan ang mga pangangailangan tulad ng pagkukumpuni, renovasyon, at pagpapalit ng mga nasirang kagamitan at suplay, kabilang ang mga office supplies na nalubog sa baha.
Dagdag pa niya, malaking bentahe para sa isang pampublikong unibersidad ang pagkakaroon ng ganitong reserve fund dahil nagbibigay ito ng kakayahang kumilos nang mabilis sa oras ng sakuna, nang hindi na kinakailangang maghintay ng mahabang proseso.
Sa ganitong paraan, masisiguro ang tuloy-tuloy na operasyon ng unibersidad at ang kapakanan ng buong komunidad ng PSU.









