Dagupan City – Pormal nang binuksan Pangasinan State University (PSU)–Bayambang Campus ang Aliguas Technology Business Incubator (TBI) bilang bahagi ng pagpapalakas ng inobasyon at suporta sa mga lokal na startup at MSMEs.
Binibigyang-diin ni University President Dr. Elbert Galas na mahalagang makapasa sa mahigpit na rekisitong itinakda upang kilalanin bilang National Center for Research and Development.
Ipinaliwanag niyang tatlong taong proseso ang pagkuha ng akreditasyong ito at kinakailangang matiyak ang kahandaan ng unibersidad. Binanggit din niyang bagama’t ito ang unang inilunsad na TBI, itinuturing itong pangalawa sa sistema, kasunod ng isa na nakatutok sa salt commodity sa PSU Binmaley Campus.
Giit niya, nararapat lamang na pangunahan ng PSU—bilang nasa lalawigang kilala sa katawagang panagasinan o salt makers—the development ng salt research and development. Tiniyak niya na ang TBI, katuwang ang mga eksperto ng PSU at suporta ng DOST, ay handang tumulong sa mga partner at solusyunan ang kanilang pangangailangan sa teknolohiya at produktong mula sa innovation centers ng unibersidad.
Samantala, binigyang-diin ni Dr. Razeale Resultay, Vice President for Research, Extension and Innovation, ang halaga ng suporta at kolaborasyon mula sa iba’t ibang ahensya upang maisulong ang interdisciplinary na pag-unlad. Ayon sa kanya, isa lamang ang PSU sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng MSMEs at ng paglago ng ekonomiya ng bansa.
Pinuri rin niya ang Department of Science and Technology bilang pangunahing katuwang sa pagpapaunlad ng mga pananaliksik na nagbubukas ng oportunidad sa community extension at komersyalisasyon.
Sa pahayag naman ni Dr. Enrico Paringit, Executive Director, DOST-PCIEERD, sinabi niya na ang pagpapatakbo ng mga TBI ay bahagi ng mandato sa ilalim ng Innovative Startup Act ng 2018, na naglalayong palakasin ang innovation ecosystem sa bansa.
Tinukoy niya ang mga pangunahing hamon ng mga bagong negosyante—mula sa pagde-develop ng produkto, pagsubok sa merkado, hanggang sa paghubog ng kanilang business acumen. Sa loob ng TBI, aniya, natutulungan ang mga startup sa pagpaparehistro, pagkuha ng trademark, pagpapatatag ng operasyon at mismong pagde-develop ng produkto.
Ibinahagi naman ni Dr. Roseanne Jane Agustin-Cera, TBI Head at Project Leader, ang mga hamong kinakaharap ng programa, gaya ng pagsabay sa iskedyul ng mga estudyante at guro, na madalas ay may sabay-sabay na obligasyon. Dagdag pa niya, nagiging hamon ang logistics lalo na kapag kailangan ilipat o isailalim sa pagsusuri ang mga food incubator na may mataas na gastusin.
Sa bahagi ng non-food prototypes, patuloy naman silang naghahanap ng industry partners upang masuri at matiyak ang viability ng mga produkto.
Ang paglulunsad ng Aliguas TBI ay inaasahang magbibigay ng mas matatag na suporta sa mga inovator at entrepreneur sa Pangasinan, at magpapalakas sa posisyon ng PSU bilang sentro ng pananaliksik, teknolohiya at inobasyon sa rehiyon.










